Sunday, November 1, 2015

Buhay ni Marlon "Loonie" Peroramas



Paano nga ba nagsimula si Loonie:

“Nagsimula akong mag-rap Grade 3 noong sa Pasig pa kami nakatira. Pero nagsimula akong umapak at tumula three years old pa lang ako noong 1988. Christmas Party sa opisina ng aking tatay na dating nagtatrabaho sa PLDT Ayala Branch as Senior Financial Analyst. Kabisado ko kasi lahat ng tula doon sa libro na binigay sa akin ng tatay ko. Mga Pilipinong tula. Nakalimutan ko na yung pamagat ng libro pero naalala ko pa yung tula. Ang title e “Ulirang Anak.” Yun ang una kong beses na umapak sa entablado at nakarinig ng pilit na palakpakan dahil yung susunod na anak ng ka-officemate ng erpat ko ay “dance number” ang talent. So no match ako dun, parehong kaliwa paa ko (Laughs). Pero dahil tinalo ko yung mga Grade 6 sa Spelling Bee andami kong pamaskong nakuha. Three years old pa lang ako marunong na akong magbasa dahil libro ang lagi kong hawak courtesy of my father. Dictionary, thesaurus, Mga Pilipinong tula, nursery rhymes na may cassette tape pa. Tapos nung tumanda na ako binilhan pa nya kame dati ng Tree Of Knowledge. Para s’yang encyclopedia pero tingi na nabibili sa National Bookstore dati. Yung nanay ko naman yung nakapansin na mahilig ako sa music. One year old pa lang ako pag nariring ko yung “Eternal Flame” ng The Bangles e parang tuwang-tuwa daw ako lagi. Tapos mahilig din ako mag-drawing. Gumagawa ako ng mock album covers tapos tinatanggal ko yung mga papel ng tape ng Bon Jovi ng tito ko. Iniisip ko album ko yun. Hanggang sa tumanda ako at pumasok sa school. My father gave me smarts, my mother gave me heart and I somehow turned it into art.
Hindi ako nag Kinder at Nursery School. Homeschooled ako ng erpat ko hanggang six years old. Tapos pumasok ng Prep sa Lourdes School of Mandaluyong nung 1991. Isa lagi ako sa mga achievers – 2nd Honor, Best In English, etc. Pero lahat yun tumigil nung Grade 3 na ako. May nakakuha kasi ng attention ko. Na-discover ko ang rap music. Hindi ko pa alam yung hip-hop noon kasi ang parati kong pinapakinggan ay Alanis Morrissette kasi sobrang gustong gusto ko yung  first album nya dati tapos crush ko pa sya kahit kamukha nya si Dave Grohl (Laughs). Pero dahil mabilis ako magkabisado nasakyan ko kaagad yung mga kanta ng Naughty By Nature, Coolio, Bone Thugs n Harmony at NWA. Doon nagsimula lumikot ang isip ko. Dahil naiintindihan ko na naman at itinuro na ng tatay ko sa kin sa bahay yung lesson para sa araw hindi na ako nakikinig sa mga teachers. I spend most of the day daydreaming. Excited umuwi para makipagkita sa kaibigan kong si PJ na kalaro ko ng basketball at mahilig din sa rap. Naghihiraman kami ng cassette tapes at nagulat siya kasi kabisado ko lahat ng kanta ng Bone Thugs, Coolio, etc. at kaya ko pang gayahin yung boses at rap nila nun. So medyo weirdo ako as a kid kase walang nakikinig ng rap dati kundi kami lang dalawa. The rest of the kids were hooked sa Eraserheads nung panahon na yun. At ang tagalog rap ay stereotyped as baduy. Mula Grade 3 hanggang Third year high school mostly puro foreign acts ang pinapakinggan ko. Magmula din ng nadiscover ko na kaya ko mag-rap at sumulat ng tula. Tumaas ang confidence ko sa classroom. Feeling ko may kaya akong gawin na hindi kaya ng iba. Naging class clown ako – snappy at pilosopo. Gago pero alam yung lesson at laging matataas ang grades. Ginagawan ko ng caricature yung mga kaklase kong pangit tapos may four-lliner na nakakatawang tula sa ilalim then I would it pass it around the room. Lagi akong napapagalitan dahil dito. Pero lagi kong napapatawa ang mga kaklase ko. Umabot pa sa point na tinuruan ko yung mga kaklase ko mag-battle at pinagbabangga ko sila during lunch time. Year in, year out yun ang papel ko sa room. Class clown na mahirap sawayin dahil maraming alam. Hanggang sa nakilala ko si Aldin Casacop (founder ng Watawat Clothing) noong high school dahil lumipat ako ng La Immaculada Concepcion School sa Pasig at doon ipinakilala nya sa akin ang kababata niya na si Ron Henley. Mas mababa ng isang batch si Ron sa amin. Kasama ko rin ang best friend ko nung high school dati, si Ian Mangila. July 2001 noong binuo namin yung Stick Figgas. Puro banda ang uso nun sa school, kaming apat lang yung rapper. Gusto namin mag-perform sa stage pero ayaw ng PE Teacher naming bakla. Banda lang daw at dancer. So ginawa ko sumali ako ng Campus Hunk na competition dahil may talent portion dun para lang magkaroon ng chance sa mikropono sa harap ng maraming tao. Ni-rap ko yung “The Real Slim Shady” ni Eminem at nagkagulo ang mga estudyante. Parang tuwa-tuwa sila kasi kaboses ko daw. High School ng madiskubre ko si Eminem at maging idol. Siya ang naging inspirasyon ko para sumulat ng sarili kong kanta na English. Hanggang sa may natuklasan kami ng kaibigan kong si Ron Henley ng tagalong rap. Gloc-9 ang pangalan nya at nasa grupo siya ng Death Threat. Inisip ko, “sheht, kaya din niya mag-rap ng mabilis at kaboses niya si Layzie Bone ng Bone Thugs.” Nung panahon na yun wala pang ganun kabilis mag-rap at kalinaw sa local hip-hop scene kundi siya. So unti-unti akong na-curious sa Pinoy rap, hanggang sa na-discover namin yung Apokalipsis. Sabi ko sa kanila na ganito ang gusto kong gawin. Si Ron ang unang nagsulat ng tagalog na verse sa amin at bagamat love song eh maganda pakinggan at hindi baduy. So I tried na rin magsulat at mag-rap in tagalog. Kinabisado namin ng Stick Figgas lahat ng kanta ng Apokalipsis at nag-cover kami ng dalawang kanta nila: “Simula” at “Ang Aming Hamon” feat. Gloc-9. This time, pinapayagan na kaming magperform kasi humanga yung PE teacher sa Eminem cover ko. When we performed those two songs, the crowd went wild. Sumikat kami nung high school as rappers tuwing may events at tawag nila sa akin Eminem. Noong Fourth year high school na ako, nagkaroon ng chance ang Stick Figgas para mag-open para sa Apokalipsis at Legit Misfitz sa Mobatu Bar sa Malate. First time namin mag-perform sa club. Kinanta namin yung first original rap song namin na may original beat na ako din ang gumawa gamit lang ay Cakewalk. “Bayang Magiliw” yung pamagat ng kanta namin, social commentary pero hilaw pa. Sobrang kabado namin na nakalimutan pa naming yung ibang mga lines dahil starstruck kami sa mga rappers na nandoon. Naka-nganga kami habang nagpe-perform ang Apokalipsis. Ganda pa ng timing nun kasi we had our requirements to fulfill para maka-graduate kami and ang requirement ng Music Teacher namin ay gumawa ng original song para pirmahan niya yung clearance namin. Dahil mas mahihirap yung requirements sa ibang subjects naisip namin na makipag-exchange deal sa mga kaklase naming masipag magsulat at mag-derive ng formula. The deal was gawin namin mga requirement nila sa Music in exchange gawin nila one of our requirements sa other subjects. Gumana ang plano. We made 30-plus songs in one night gamit lang ay cassette recorder, Cakewalk at looped beats. Dahil nakaipon na kami ng material, sumali kami sa mga rap contest in hopes of makakuha ng record deal.
May isang rap contest noon, Rappenings, 2001 yata yun. Sumali kami kasi malaki premyo tapos may record deal daw. Ayun, talo kami. Pero may lumapit na talent scout from Eat Bulaga!. Dancer siya dun. Sabi niya astig daw yung chemistry namin nila Ron Henley at Tuff at tinanong niya kami kung pwede ba daw kami sumali sa bagong show ng Eat Bulaga! na Rappublic of the Philippines. Umabot kami ng Grand Finals pero natalo din kami sa Koponan ni Batute. Nagpasya kaming iwan na ang rap pagkatapos noon. Pero nung mga early months ng 2002, graduating na kami ng high school, biglang may nag-text sa akin na ang pangalan ay Michael Durango. PA daw sya ni FrancisM at gusto daw kami i-guest ng master rapper sa album nya at spot sa isang compilation na ire-release ng Sony-BMG para sa Rappublic of the Philippines. Being the pessimist that I am, akala ko pinagti-tripan lang kami ng ibang mga grupo na natalo din. Di ko na natiis, nagpa-confirm ako sa Floor Director ng Eat Bulaga nung time na yun kung may Michael Durango bang empleyado ang Eat Bulaga at ang sabi nya wala. So kinapalan ko yung mukha ko at hiningi ko yung number ni FrancisM. Antagal kong kinompose yung message. Nag-reply naman siya. Sabi nya na totoo daw yun at huwag na daw ako mag-text sa number na yun kundi kay Michael Durango na lang. Halos himatayin ako at nanlamig. Parang sobrang saya na di mo maintindihan. Ni-record namin yung kanta namin na “I Love You” at si FrancisM mismo yung nag chorus. Nag-overdubs pa yung anak niya na si Elmo. Ginawa nyang first track sa compilation yun and it sparked controversy. Parang may favoritism daw sa Rappublic. Doon ako unang naka-experience ng “Beef”. Kesyo sipsip daw ako kay FrancisM kaya ako yung ginawang hypeman. Hindi nila maintindihan na maraming English na kanta si Kiko at dahil nakita niyang medyo ok ako mag-English at lagi kaming maraming napapagkuwentuhan, ako ang ginawa nyang official hypeman. Doon na nagsimulang magtaasan ang mga kilay. Sixteen years old pa lang ako noon pero mas nakikinig si Kiko sa mga suggestion ko kaysa sa iba. Marami kasi kaming napapag-usapan at pare-pareho ang interest namin. Sports, politics, literature, games, women, at siyempre pa music. Marami akong natutunan sa kanya. At natutuwa naman siya dahil marami din akong input na naibibigay sa kanya when it comes to new rappers and new styles. Busy na kasi sya noon as a host sa Eat Bulaga!.
Hanggang sa nag-college na ako, Information Technology ang kinuha ko sa Mapua Makati. Quarmester, hindi na tulad ng high school. Hindi ako sikat dito, so nangangapa-ngapa at since hip-hop yung get-up ko nun, ang tawag nila sa akin “Gangster.” Di ako nakapag-focus dahil sa kaka-rap. Sayang lang yung tuition. Lumipat ako ng ibang school at kumuha ng two-year IT Course sa NIIT na ngayon ay Phoenix One Knowledge Institute na.
Nagkasakit yung erpat ko sa puso at nag-early retirement dahil naospital sya at natagpuan na enlarged yung puso nya. Kinailangan nilang lumipat sa Cebu dahil mas mura ang cost of living, less polluted at nandoon ang roots ko. Pinanganak ako sa Leyte at parehong bisaya ang mga magulang ko. Yung erpat ko lumaki sa Tondo pero galing Leyte din, ganun din ang nanay ko. Lumipat kami sa Pasig nung one year old ako. Doon kami tumira hanggang college na ako hanggang sa lumipat sila sa Cebu at ako ay nagpaiwan sa Maynila dahil sa rap. Doon ako tumira kila Ron ng four years. Umuuwi lang ako sa Cebu kapag Pasko dahil maliban sa pag aaral. Sinubukan ko na din mag-call center kasabay ng pagra-rap dahil ayoko ng umasa sa mga magulang ko na tumatanda na rin. Seventeen pa lang ako pero eighteen ang nilalagay ko sa Resume at walang problema ang mga entrance test at interview. Minsan ako pa yung nagi-interview sa HR hanggang sa naging routine na yun. Gig with FrancisM and Stick Figgas, pasok sa call center, pasok sa school, lahat pinasukan ko na. Hanggang sa mabuo namin yung Critical Condition noong 2006, ang first album ng Stick Figgas. Nai-guest namin si Gloc 9, Syke, Bassillyo from Crazy Ass Pinoy at syempre si Kiko. Pinasa namin sa Sony BMG,  hindi tinanggap. Masyadong malalim daw. Hinanapan kami ng kanta na Salbakuta ang bagsakan. Hanggang sa naging ka-close ko na rin si Gloc-9. Si FrancisM ang nagpakilala sa akin sa kanya. Sa wakas na-meet ko yung idol ko. Mas na-starstruck pa ko kay Gloc kesa kay Kiko nung una kong na-meet si Gloc kasi siya talaga yung isa sa mga pinapakinggan namin noon. Nakilala din namin ang Apokalipsis. Mababait sila, nakakatawa pa. Naging regular na yung mga gig noon sa Klownz at Zirkoh. Yung TF namin doon galing mismo sa TF ni FrancisM at wala talagang budget para sa amin. Talagang sinasabit nya lang kami sa mga raket niya para mahasa din dahil tough ang crowd sa mga comedy bar. Maliban dun kumikita din kami kahit papano. Lagi niya akong sinasama kung nasaan siya. Kaya tingin ko kaya marami ring galit sa akin. Gusto nilang maging nasa kalagayan ko noon. Mga taon ang lumipas, maraming nangyari, maraming kantang naisulat, maraming rap battles na pinasukan pero hindi pa rin nai-release yung album ng Stick Figgas na “Critical Condition”. Tinatalakay nito ang estado ng bansa at ng hip-hop noong panahong yun. Kritikal ang kondisyon ika nga. Si Kiko yung gumawa ng intro, 2006 pa ito. Parang headlines ng mga balita. Yung theme ng album ay doctor kami ni Ron at sine-save namin yung hip-hop kasi may cancer. Kaya kinilabutan ako nung na-diagnose si FrancisM ng cancer nung 8/8/08. Napag usapan pa namin yun at sabi nya kahit di daw kami gumawa ng sunod na album sobrang prophetic daw nung dating. Yun na yung mga pinag-uusapan namin nung may sakit siya. Hanggang sa pumanaw sya at napilay kaming lahat. Pagkatapos noon, nagbago ang galawan. Marami ang nagbati, nagkaaway, nagkabati ulit, nagkaaway. Naligaw yung hip-hop nung nawala sya.
Pagkatapos noon marami kameng mga nakilala na ginamit lang kami, niloko o kinaibigan lang para pag-aralan. Nasa Cebu ako noong namatay si Kiko. Nagtatrabaho ako sa call center dahil umuwi ako ng isang taon sa Cebu para magpahinga at makatulong sa pagpapatapos ng isa kong kapatid. Nung grumaduate na sya, nagsinungaling ako sa mga magulang ko. Sabi ko na-promote ako sa Manila kahit hindi naman para lang bumalik at i-release yung solo album ko na The Ones Who Never Made It. Para akong tumalon sa bangin at tsaka ko na lang ginawa yung parachute on the way down. Nilunok ko ang pride ko at nakipagbati sa mga nakasamaan ng loob na kapwa rapper din. Dala na rin siguro ng pagkamatay ni Kiko. Hanggang sa di nagtagal lumabas ang tunay na ugali ng mga nakatrabaho namin at tinulungan ako ng Brgy. Tibay at Konektado. Sila yung nagsilbing makina ko nung nawala si FrancisM. Sa Brgy. Tibay ko nakilala yung Greyhoundz, Queso, Sinosikat, at kung sinu-sino pa sa eksenang banda. Si Mike Swift naman ay isang rapper na galing Brooklyn na may kasamang Turkish-American na kalabaw na ang pangalan ay J-Hon. Sila yung Konektado. Tinulungan nila akong i-promote yung mga songs ko at dahil sa kanila nagkaka-regular gigs ako nung nawala si Kiko. Noong burol pa lang ni Kuya Kiko pinaplano na ang Sunugan. Isang rap battle tournament kung saan kahit sino pwede sumali at nilalayon nitong maging original ang format and hindi kagaya ng US counterpart na Grindtime at Canadian counterpart na KOTD (King of the Dot). January 2010 ang unang Sunugan event na ginanap sa Saguijo. Naglaban sina Ron Henley vs JSkeelz, Datu vs ako, at yung first two-on-two rap battle sa Pinas ever – si Mike Kosa at Toney Chrome laban kay Fuego at RBTO. Isang buwan ang nakalipas, lumabas ang Fliptop na Filipino equivalent ng Grindtime. Sumali ako doon para sumuporta. Ang una akong nakalaban ay si Gap. Sumikat yung video na yun at uminit sa internet. 150,000 views yun at that time which is the most na for a rap battle video in just months. Tapos yung second battle ko sa Fliptop was against Zaito which hindi ko inaasahang aabot ng more than 15 million views ngayon. 100,000 views on its first day. Tinuloy ko pa rin yung Sunugan dahil walang bayad sa Fliptop. Ang layunin ko noon ay mabayaran yung mga battle emcees since sila yung nagpapakahirap magkabisado, napapahiya at nahuhusgahan dahil lang sa rap ng kalaban. Nagkaroon ng konting talkshit-tan. Kesyo nanggaya daw yung Sunugan sa Fliptop. Pero para sa informed, kahit i-search nyo sa YouTube, the first Sunugan battle was uploaded January 2010. Fliptop started Feb 2010. To wrap it up. I am now spearheadingSunugan as the President pero active pa rin ako sa Fliptop. Hindi dapat pag-awayan. May mga hindi kayang gawin angSunugan na nagagawa ng Fliptop and vice versa. So it’s only healthy. Pagkatapos kong maabot yung ten million mark sa YouTube, Sony signed me to a 360-contract pero after a year nagpa-release na rin ako dahil nag-close na ang Sony dahil sa lala ng piracy. So here we are today. Ready na yung second album ko at handa akong i-release ito, may label man or wala. Ginagawa na rin namin ni Ron Henley yung second album ng Stick Figgas.”

Stickfiggas live performance @B-side

http://stickfiggas.blogspot.com/

5 comments:

  1. ang dahilan kung bakit ako nandito dahil gusto ko malaman ang pinagmulan ni sir loonie idol ko talaga sya haba ng kwento nya

    ReplyDelete
  2. saludo sayo idol isa sa mga pinakauna kong idolo sa rap music. elementary ako nung nakabisado ko yung kanta nyong "i loveyou" at "kaya mo ba to" sunod kong nakabisadong kanta mo. halos nagnanakaw pa ko sa tiangge dati sa bulacan makakuha lang ng pirate na kopya ng mga kanta ng Rappublic of the Philippines na lagi ko pinapatugtog dati 😁 solid loons ako since day1 saludo sayo idol 👌🏻

    ReplyDelete
  3. д탌즈 카지노 사지노 가입 planet win 365 planet win 365 다파벳 다파벳 카지노사이트 카지노사이트 カジノ シークレット カジノ シークレット starvegad starvegad 카지노사이트 카지노사이트 10cric 10cric 카지노 카지노 ボンズ カジノ ボンズ カジノ bet365 bet365 804 Spades | Online Casino | Real Money | CasinoGames

    ReplyDelete
  4. Slot machines in Maryland - DRMCD
    Are slot machines legal? 안양 출장마사지 — The machines have 춘천 출장마사지 long been considered legal in Maryland. The 경상남도 출장마사지 machines now 포천 출장샵 in operation in Maryland are located at 777 Casino 경상북도 출장안마 Drive, Council Bluffs

    ReplyDelete